BUKOD sa mga nurse, seaman, caregiver, domestic helper, ang isa pang propesyon na binabalik-balikan ng mga foreign employers dito sa Pilipinas ay ang ating mga mekaniko. Mula sa Middle East, dito mismo sa Asia, sa Amerika, Canada at nitong sa huli ay sa New Zealand at Australia. Marami akong nakasama na mga mekaniko na talagang maipagmamalaki mo bilang Pilipino, at bilang pagkilala sa kanila, bagama’t nakalipas na nitong Hunyo ang pagdiriwang ng Automotive Service Professionals’ Day, ay nais kong bigyan ng pagkilala ang iilan sa kanila.
1. RONALDO “OGIE” BERNARDO Si Ogie ay isang naka-i-inspire na mekaniko, civil engineer siya dito sa Pilipinas, nagbakasakali sa Amerika at doon ay nag-aral ng trade ng pagmemekaniko, hanggang makabalik sa Pilipinas bilang isang expat na trainer ng isang malaking car brand, at, finally, ay nag-settle na sa Canada at nagtayo ng sarili niyang shop, ang Creative Automotive, sa Ontario, Canada. Maraming magagaling na mekaniko ng isang kilalang brand ang natuto mula kay Ogie. 2. LEONARDO “LEO” LIBACAO Pagkatapos lumisan ng mga Amerikano sa Afghanistan nitong nakaraang taon lamang, isa si Leo sa mga umuwi na ng Pilipinas dahil natapos na rin ang kaniyang kontrata na mag-train ng mga Afghan sa pag-aayos ng mga sasakyan na galing sa mga Amerikano. Ito ay matapos din ang halos tatlong dekada na pagtatrabaho sa iba’t ibang sulok ng Middle East bilang mekaniko at trainer. Siya ngayon ay isang training consultant sa ValuePlus Auto Service at sa mga franchisees nito sa VPX. Bukod sa mga banyaga, ngayon naman ay kapwa niyang mga Pilipino ang nakikinabang sa kaniyang pagtuturo. 3. SILVESTRE “BUBOY” ARELLANO Mula sa pagiging in-house, all-around mekaniko ng isang local politician, si Buboy ay napadpad sa iba’t ibang pagawaan ng automotive luxury brands sa middle east bilang workshop leadman at supervisor, tulad halimbawa ng Dubai Police, kung saan may tanyag na mga sports car bilang mga police patrol vehicles. Muli siyang bumalik sa Pilipinas at pagkatapos ang ilang taon na pagiging service manager, siya ay nagtayo ng sarili niyang shop. Naging instrumento si Buboy sa pagsisimula ng VPX franchise sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga mekaniko nito
4. FRANCISCO “BOGS” MALBOG Siya ang founder at franchisor ng Car Crew, nagsimula bilang isang car washer, mekaniko, hanggang sa maging service manager ng malalaking casa dito sa Pilipinas at sa Middle East, isang magandang ehemplo ng sipag at pagsusumikap na nagdulot ng tagumpay sa kanyang piniling propesyon. Natupad ni Bogs ang pangarap marahil ng maraming mekaniko, ang magkaroon ng matatawag nilang sariling shop.
5. “OEM” Kilala siya sa Banawe bilang si “OEM”, at itago na lang natin sya sa pangalan na iyan, nagtrabaho sa isang car factory sa Amerika, at umuwing bitbit ang yaman sa kaalaman sa pag-aayos ng mga sasakyan, sa loob ng ilang dekada ay nakilala bilang specialist ng mga luxury vehicles, na kung saan, kahit mismo ang mga ilang casa ay sa kanya tumatakbo pag may mga hindi maresolbang mga problema ng mga sasakyan. Hindi matatawaran ang tulong na naidulot ni OEM sa mga nagsisimulang mekaniko na natuto sa kanya. Napaka-ikling listahan pa lamang ito ng daan-daang Pilipino na pumili ng propesyon ng pag-me-mekaniko at sa kani-kanilang pamamaraan, ay masasabi nating nagtagumpay, at hindi ito ang huli dahil sa mga susunod pang issue ay kikilalanin natin ang ilang natatanging mekanikong Pilipino.
Bukod sa pagtatrabaho sa ibang bansa, masasabi nating world-class sila, dahil sa yaman ng kontribusyon nila sa mga nagsisimulang mga mekaniko na kanilang naturuan sa iba’t ibang pamamaraan.
Pakibisita ang aking fb.com/talyermentor para sa inyong mga comments sa mga paksang natalakay natin sa kolum na ito.
Comments