SA aking karanasan sa planta, sa aftermarket, magtayo at magpatakbo ng mga auto repair shop, at bilang isang customer na rin sa automotive industry, masasabi ko na hindi popular na opinion ang sabihin na praktikal magpa-maintain sa casa. Nauunawaan ko ito. Lalo pa nga’t ang dami nating naririnig at napapanood na mga nagiging viral na kuwento tungkol sa mga hindi magagandang karanasan sa mga casa. Bilang masasabi nating “insider” sa industriya na may experience sa kakayanan at limitasyon ng mga casa at mga casa alternatives, nais kong ibahagi sa mga sumusunod ang mga ilang benepisyo na mas higit na kapaki-pakinabang sa mga may-ari ng mga sasakyan na under warranty pa:
1. LIBRE ANG UNANG PMS KILOMETER CHECK-UP Karaniwan na binibigay ng mga casa na libre ang unang 1,000 KM PMS o Kilometer Check-Up ng mga bagong sasakyan. Subalit, may mga iilang natatanging brands, sa pangunguna ng Mazda, na nag-o-offer ng libreng PMS (preventive maintenance schedule) habang under factory warranty pa ang mga sasakyan. At katulad ng inaasahan, sumunod ang mga ilan pang manufacturer katulad ng Toyota, Mitsubishi, Geely, Honda at iba pa, para sa ilang mga piling modelo ng kanilang mga sasakyan.
2. PROFESSIONAL TEAM AT MGA PROSESO May kausap na isang professional na service advisor na magiging main contact point habang nagpapa-maintain ng sasakyan sa casa. Malaking tulong sila dahil sila ay trained na maipapaliwanag sa mas naiintindihan na mga terminologies ang mga kailangang gawin para maayos ang mga sasakyan. Sila ang tulay sa pagitan ng mga mekaniko at ng may-ari ng sasakyan. Mayroon din silang sinusunod na prosesso na nagsisiguro na consistent ang pagde-deliver ng services sa mga nagmamay-ari ng sasakyan. 3. MAY MAAYOS NA FACILITY Para sa kaligtasan ng mga gumagawa, ng may-ari at ng mismong sasakyan, napakahalaga na may maayos na workshop. mga well-ventilated at maliwanag na working bays kung saan maaring mag-trabaho ang mga mekaniko. Mahirap para sa mga mekaniko ang sumuot sa mga ilalim ng sasakyan, kaya malaking tulong sa kanila na makagalaw nang maluwag tuwing nag-ta-trabaho. 4. MAY TAMANG PARTS, TOOLS AT EQUIPMENT Mabilis silang makapag-provide ng mga job estimate, dahil mayroon silang parts database ng mga OEM (Original Equipment Manufacturer) parts at ganoon din ang supply ng mga ito kung kinakailangan. May mga lifter, at mga kagamitan upang maayos na magawa ang mga sasakyan lalo na ang mga tinatawag na Special Service Tools, na minsan ay sa mga casa lamang mayroon. Ganundin ang mga proprietary software na tanging sila lamang ang may access mula sa planta.
5. MAY SUPORTA NG PLANTA Mas kilala nila ang produkto nila. Lalo na ang mga ito ay bago pa lamang at mga under warranty pa. Mayroon silang maaring balikan upang mahingan ng suporta pagdating sa mga troubleshooting na sila lamang ang may kaalaman. May tinatawag na homologation, na ginagawa ng planta upang ma-test ang iba’t ibang bahagi at functionalities ng mga sasakyan, upang makita kung magkakaroon ng mga problema o depekto ang mga ito, at ito ay kadalasang ginagawa hanggang umabot ng 100K KM ang isang test vehicle, na katumbas naman ng haba ng factory warranty na ino-offer ng planta.
Tulad marahil ng marami, ay alam ko rin ang iilang kuwento ng mga hindi naman maayos na experiences sa mga iilang casa at sa mga susunod na issue ay atin namang tatalakayin ang mga nagiging balakid sa pagpapa-casa maintained. Pagbati sa ating mga kasama na sina Zarah, Rem, Aris, Leo, JR, Nathan, Jaylo, Jayson, Jerby, Norman, Jerome, MJ, Gary, Nikko, Fred, Aldrin, Jansen, Bern, Marjohn at Bryan. Maaari ninyo akong i-email sa talyermentor@icloud.com.
コメント