NITONG nakalipas na taon, mahigit apat punto apat na milyong pang-pribadong sasakyan ang nagpatala at nag-renew ng kanilang mga rehistro ayon sa report ng Land Transportation Office (LTO). Halos sisenta porsyento ng mga ito ay matatagpuan sa NCR, Calabarzon at Region III, ito ay mahigit dalawang punto anim na milyong sasakyan. Bagama’t kaakibat ng paglaki ng bilang ng mga sasakyan sa bansa ay ang mabigat na trapiko sa mga pangunahing lansangan, laging may nag-aabang na oportunidad sa mga paglago, tulad nitong sa industriya ng mga sasakyan. Isa dito ang pag-nenegosyo ng auto servicing o tinatawag nating car repair shop business.
Liliwanagin ko na bago pa man ang lahat, hindi ito madali. Subalit, kapag nalinang ang kakayanan sa pagpapatakbo ng isang auto servicing business at natuklasan ang tamang balanse ng mga aspeto ng maayos na pagpapatakbo nito, ito ay maaring makapagdulot ng mayamang karanasan at kalugod-lugod na hanapbuhay sa mga nag ma-may-ari ng mga ito.
Kung may apat punto apat na milyong pribadong sasakyan, mayroon lamang na mahigit tatlong libong mga pagawaan ng mga ito, halos isang libo dito ay ang mga tinatawag nating mga casa, at dalawang libo ang mga tinatawag nating mga alternatives sa mga casa na minsan ay mga talyer. Kung susumahin ang ratio ng dami ng mga pribadong sasakyan at ng mga gumagawa ng mga ito, ito ay halos isang pagawaan sa bawat mahigit isang libong mga sasakyan, at ipagpalagay na bukas ang isang pagawaan mula Lunes hanggang Sabado, ito ay nangangahulugan ng limang sasakyan, bawat araw sa bawat isa sa mahigit tatlong libong mga pagawaan sa buong bansa, at kung gumagastos ng mula apat hanggang anim na libo ang mga may ari ng sasakyan sa bawa’t pagawa ng mga ito, ang buong maintenance market (pms, oil change, tires, batteries) pa lamang ay mahigit labimpitong bilyong piso na bawat taon.
Subalit, tulad ng mga espesyalista na mga negosyo, hindi ito para sa lahat, kaya nga ito ay matatawag na niche. Unang-una, maliit pa lamang ang tinatawag nating pagmamay-ari ng sasakyan sa ating bansa, kung ikukumpara ito sa ating total na populasyon na mahigit na isang daang milyon. Kung pag-aaralang mabuti ang lugar, maaari mo itong mailagay sa kung saan, walang masyadong kakompetisyon. At dahil mabilis ang pagbabago sa teknolohiya ng mga sasakyan kailangan din itong sabayan ng mga gumagawa upang maging espesyalista sila sa mga ito. Ang dulot ng mga ito ay ang mas magandang presyo at tubo na maaaring kitain kung ikaw ay makikilala sa iyong piniling lugar at serbisyo na iaalok, at dahil ikaw lamang ang maaaring puntahan, mas nagiging loyal ang iyong mga customers.
Muli, uulitin ko, sa kabila ng mga nabanggit, tulad marahil ng ibang mga negosyo, ay marami pa rin ang nalulugi sa auto servicing business, kaya napakahalaga na mapag-aralang mabuti at makahanap ng mga tamang partners, location, suppliers, at mga mekaniko, upang maging matagumpay sa negosyo na ito.
Ang sabi ni Peter Thiel isang investor sa kanyang librong ZERO TO ONE; upang magtagumpay sa negosyo, kailangang makapagbigay ng serbisyo o produkto na maaaring ikaw lamang, o kakaunti lamang ang kaya na makapagbigay nito – dahil kakaunti ang kumpetisyon. Lumalaki ng sampu hanggang labinlimang porsyento bawat taon ang dami ng mga sasakyan sa bansa, subalit hindi ganoon kabilis ang pagdami ng mga pagawaan nito. Dahil dito ang auto servicing ay maituturing na niche market.
Para sa inyong mga komento at suhestyon sa natalakay na paksa sa kolum na ito, pakibisita ang aking fb.com/talyermentor.
Comments