top of page
Writer's pictureMark Saberola

PAANO MAGSIMULA NG AUTO SERVICE BUSINESS?




ISANG tagasunod sa social media ang minsan ­nag-message at nagpatulong kung paano magtayo ng sarili niyang auto repair shop, nagsasaliksik siya kung maaari ba siyang mag-franchise ng ValuePlus (VPX) sa kanilang lugar. Matapos siyang mabigyan ng paglalahad ng programa ng VPX franchise, ay napagtanto niya na hindi magiging matagumpay ang isang auto repair shop sa kanyang napiling lugar. Binigyan siya ng mga ilang payo kung paano maaari pang mapaganda ang kanyang tsansa sa negosyo nang pag-aayos ng sasakyan. ­Makalipas ang halos isang taon, siya ay muling nag-message na ­nagsasabi “Sir, ang hirap po pala magpatakbo ng auto repair shop.”

Narito ang ilang mga payo kung paano gaganda ang tsansa na magtagumpay ang isang auto repair shop business.

LOCATION, LOCATION, LOCATION! Isang retail business ang paggawa ng sasakyan, kaya naman napakahalaga na ito ay nasa isang lugar na matao at mabilis mapuntahan ng mga potential na customer. Mas mabuti kung ito ay nasa isang lungsod na kung saan ay may nakatayo ng isang malaking car dealer o casa dahil ibig sabihin ay napag-aralan na nila ang tinatawag na feasibility ng negosyo na ito sa napiling lugar. Maaa­ring dadayuhin ka kung ikaw ay talagang makikilala, subalit kung magsisimula pa lamang, ito ang kauna-unahang dapat isipin; ang pagpili ng tamang lokasyon.

SAPAT NA PUHUNAN Kailangan ang higit sa sapat na puhunan pang-kapital, dahil kung wala nito ay mas maraming pasensya, determinasyon at pag-diskarte ang kakailanganin. Kailangan ang puhunan pang-patayo ng shop, pang-deposito sa renta, pambili ng mga kagamitan at mga piyesa, pampa-sweldo sa mga mekaniko at mga benepisyo nito, pambayad sa mga bills, pang-araw-araw na budget, at panggastos para sa mga emergency. “Cash is king” ika nga. Maliit ang isang milyon para sa isang shop na may isang lifter at tatlong tao. Maghanda ng higit sa doble nito upang masigurong hindi ito mabibitin.

PAG-ARALANG MABUTI Hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Unawain ang panga­ngailangan ng merkado na gustong pag-tayuan ng shop. Alamin kung ano ang kulang na maaaring punan, ano ang mga reklamo ng mga customer sa mga nakatayo nang shops sa napiling lugar, magkano ang singilan, saan makakakuha ng mga piyesa, may mekaniko ba na makukuha na handang magtrabaho dito, at mabilis bang makakuha ng kapalit kung sakaling ito ay umalis.

PUMILI NG TAMANG MGA TAO Ang kalidad ng pag-aayos ng sasakyan ay dulot ng kalidad ng mekaniko na gumagawa nito. Kaya kung ang magsisimula ng auto repair shop ay hindi mismo mekaniko, napakahalaga na makakita siya at maka-engganyo ng magaling na mekaniko na magtrabaho para sa kaniya; at kung ang magtatayo naman nito ay isang mekaniko, kailangan niyang makakuha ng isang maayos na magpapatakbo nito. Magkaiba ang kinakailangang galing sa pag-aayos ng sasakyan at pagpapatakbo ng negosyo.

GENERAL REPAIR O MAG-ESPESYALISTA Depende sa merkado, ngunit mas malaki ang tsansa ng auto repair shop na lumago kung ito ay kayang gumawa ng mas maraming uri (ge­neral repair) ng trabaho at hindi lamang iilan. Subalit kung ang nagsisimula ng shop ay mekaniko na bihasa o mas kilala bilang espesyalista sa isang larangan ng pag-aayos, maa­ring dito niya simulan at saka na lang palawakin ang inaalok na serbisyo. Sa iba naman, hayaan na ang merkado ang magsabi kung bakit sila ay bumabalik-balik sa shop; linangin at lalong paghusayan ang nasabing galing upang makilala at mapag-usapan dahil ito ang pinakamabisang uri ng marketing.

Sa huli, ang kagustuhan ng may-ari ng shop na matuto at kahusayan niyang magpatakbo, ang magsasabi kung magtatagumpay ba ito kalaunan.

Para sa inyong mga komento at suhestyon sa tinalakay na paksa sa kolum na ito, pakibisita ang aking mga social media ­pages @talyermentor.

27 views0 comments

Comments


bottom of page